The Accidental Crossdresser

The Accidental Crossdresser By: Rogue Mercado Email: roguemercado@gmail.com This post is also available at: www.michaelssh...



The Accidental Crossdresser



By: Rogue Mercado
Email: roguemercado@gmail.com
This post is also available at: www.michaelsshadesofblue.blogspot.com




*****

Sabi nila sa buong buhay daw ng isang tao, hindi imposible na makaranas tayo ng isang aksidente... Aksidente na magpapabago ng ating buhay. Halimbawa, aksidente kang nadulas sa sahig na bagong floorwax tapos bigla kang nasalo nung taong magbabago ng relationship status mo sa facebook. Aksidente kang nakabangga ng lalaking tatanga-tanga na siya pa lang maghihintay sa iyo sa harapan ng altar. Aksidenteng natilamsikan ng putik pagkatapos mong lumabas na bagong paligo pero yung mayari pala ng kotseng yun, siya pala yung magsasabi sa iyo ng “mahal kita, ikaw lang ang buhay ko”. Ngunit ang pinakamasaklap sa lahat, eh yung akala mong aksidenteng magbabago ng buhay mo ay siya pa lang ikakawasak ng puso mo at ng iyong buong pagkatao.



At iyon na nga ang nangyari sa akin.


Matagal ko ng tinatanong ang mundo kung bakit ginawa niyang isang malaking aksidente ang buhay ko. Parang nung nagbiro ang tadhana, pangalan ko ang una niyang binanggit  at ipinunla ako sa isang babae na hindi pala alam na may matris siya at may kakayahang manganak. Yun din ang rason kung bakit siguro iniwan niya ako sa isang bahay ampunan at lumaking walang kinikilalang magulang o pamilya kundi ang isang pulutong ng mga ulilang kagaya ko na araw-araw nakikipag-agawan para makilimos ng sopas na maraming sabaw at tinapay na sintigas ng tiles.


Hindi naman talaga malungkot mabuhay ng magisa ang masaklap lang, hindi mo alam kung para kanino ka nabubuhay. Para kang extra sa pelikula na wala naman talagang koneksyon sa kwento. Sa totoong buhay, pandagdag ka lang sa lumulobong populasyon.


Nagpalinga-linga ako sa kuwarto. Pinagmasdan ko ang kabuuan nito. Ordinaryo lang. May isang kama sa gitna na may puting kobre kama. Isang aparador na nasa kanang bahagi nito at isa namang mesa na nasa bandang kaliwa at nakapatong ang isang lampara na nagsisilbing tanglaw pag sumapit ang kadiliman. Agad namang napako ang aking paningin sa salaming nasa harapan ng kama. Nang magtungo ako ay nakita ko agad ang aking repleksyon. Napangiti ako ng mapakla dahil ito na ang huling pagkakataon na maisusuot ko ang T-shirt na iyon o baka ito na rin ang huling pagkakataon na ngingiti ako.  Buong buhay ko hindi talaga ako tumawa dahil masaya ako, madalas na  kailangan kong tumawa dahil kailangan.


Hinubad ko na ang T-Shirt. Isinunod ko ang aking pantalon. At huli kong tinanggal ang aking brief. Nalantad na sa salamin ang aking kabuuan. Ang hubad na katotohanan na ilang minuto na lang ay kailangan kong magbago sa ikatatagumpay ng isang misyon. Misyon ang tawag nila dito ngunit kung ako ang tatanungin? Parte lamang ito ng aksidenteng ginawa sa akin ng tadhana.


Kinapa saglit ng aking palad ang pisngi kong pinagod na ng puyat. Gaya ng naituro ay ipinahid ko muna dito ang concealer para hindi mahalata ang hapong hapo kong balat. Ipinahid ko ito sa buo kong mukha hanggang sa aking leeg. Nang matapos ang ilang segundo ay hinintay kong bahagya itong matuyo.


Para akong bagong ligo o bagong luwal. Kung may concealer din ang damdamin siguro hindi natin mahahalata ang mga itinatagong lungkot at sakit ng bawat isa. Parang lahat masaya, parang lahat perpekto.


Kumuha ako ng cake foundation na naroon rin sa mesa. Ipinatong ko ito sa waring nasementong concealer sa aking pagmumukha. Ayon sa nagturo sa akin ay kailangan kong maging maingat upang hindi ganoon kaputi ang kalalabasan nito. Kailangan magblend ang shade ng foundation at concealer to have a finished natural look.  Makailang dampi pa ay nagbago ng tuluyan ang hitsura ng aking mukha.


Isinunod ko ang aking mga mata. gamit ang mga kulay na tinaguriang ‘eyeshadow’ ay nagpahid ako ng kaunting tingkad sa aking mga talukap. Kulay itim ang aking napili. Nang matapos ay naglagay ako ng gray contact lenses para magmukhang may dugong bughaw o lahing taga ibang bansa. Isang brown eyebrow naman ang nagsilbing pampakapal sa ngayon ay ahit na ahit na aking mga kilay. Kasing kapal nito ang gubat dati ngunit dahil ugali ng mga babae ang umarko ang kilay ay kailangan kong magillegal cutting sa makapal na gubat na ito.


Nang matapos sa mata ay sumentro naman ang aking atensyon sa aking mga labi. Pale pink ang napili kong kulay.


Nang matapos sa mukha ay isinuot ko na ang aking damit. Paisa-isa. Paunti-unti. Dahan-dahan. Para akong paru-parong nagbabalat para magkapakpak. Inuna kong inipit ang bagay na nasa pagitan ng aking hita. Kung meron mang hindi dapat mahalata ay ito iyon.  Kinuha ko naman ang push up bra para itulak ang aking dibdib at pagmukhaing nagtatayugang malulusog na bundok.


Isinuot ko ang isang tube na kulay puti. Ipinatong ang aking paa sa matataas na heels. Kulay pula ang sapatos. At upang kumpletuhin ang pagbabalat kayo ay kinuha ko ang natural na buhok na nakalapag sa mesa. Isinuot ko ito sa aking ulo.


Ang maiksi kong buhok ay biglaang humaba. Kulay itim ito na nagbabadya marahil ng madilim na dimensyon na tatahakin ko sa loob ilang oras. Ibinaling ko ang aking mukha sa ilang anggulo. Dinama ko ang kurba ng aking katawan. Tumingin muli ako sa salamin.


Gusto kong umiyak.


Ngunit naputol ito ng may nangahas pumasok sa loob ng aking kuwarto.


Iniluwa ng pinto ang isang lalaki marahil ay kaedad ko rin. Bahagya itong natulala ng makita ako. Ngunit nakabawi naman ito sa pagnganga ng titigan ko rin siya.


“Magsisimula na tayo” mariin nitong sagot sa aking mga titig.


Tumango ako para ibigay ang aking pag-ayon. Dali-dali namang isinara ng lalaki kanina ang pinto. Tumingin muli ako sa salamin partikular sa aking mga mata.


Kung wala ba akong rason para lumuha ay aksidente rin ito?


Tak... Tak..Tak..



Tunog iyon na nagmumula sa aking stilettos habang papalabas ng kuwarto. Nang makalapit sa pinto ay pinasadahan ko muli ng huling tingin ang buong kuwarto. naisip ko bigla, siguro nga ay aksidente na lang ang maidadahilan natin sa mga bagay na hindi natin maipaliwanag.


Ngunit hindi aksidente bakit mayroong mga kagaya ko. Aksidente man siguro kung paano kami nabuhay pero hindi aksidente kung bakit patuloy kaming nabubuhay.



Malapit niyo na akong makilala.



Itutuloy...


*****


Post Note: From the author of Way Back Into Love comes The Accidental Crossdresser, Rogue Mercado’s second attempt to explore the other side of homosexual romance. Find out how one mission can change the life story of our newest protagonist.

You Might Also Like

3 Violent Reactions!

  1. hmmmm, nkaka curious aman ang start ng story mo rogue! mukhang isa syang entertainer na hawak ng sindikato? aabangan ko e2! he he he. sana hindi mabagal ang update . tnx for sharing.

    ReplyDelete
  2. nakakabitin naman 2..parang maganda ang kakalabasan ng kwento..haha..
    e2 na naman ang bagong mapagkaka abalahan..haha

    ReplyDelete
  3. ISA NA AKO SA MGA TAONG LAGING MAGAANTAY NG MGA STORIES MO. AKO A ANG NUMBER ONE FAN MO! OMEGAD! :') Go Rogue! \mm/

    ReplyDelete

Say anything you want! Rogue Mercado doesnt bite! :D

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Flickr Images