2:29 AM
Poem: Nagsusulat ka pa ba?
2:29 AMNagsusulat ka pa ba? Rogue Mercado Nagsusulat ka pa ba? Ng mga liham na ayaw mong ipadal...
Nagsusulat ka pa ba?
Rogue Mercado
Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham na ayaw mong ipadala;
Ng mga mensaheng ayaw mong ipabatid;
Ng mga imaheng ayaw mong ipamasid?
Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham tungkol sa babaeng katabi;
Ng mga mensaheng nasa likod ng kanyang kwaderno;
Ng mga imahe niyang iginuguhit mo bago ka
matulog?
Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham tungkol sa lalaking kaharap;
Ng mga mensaheng nasa likod ng kanyang upuan;
Ng mga imaheng iyong nililigawan bago kumain?
Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham ng babaeng nasa panaginip;
Ng mga mensaheng gusto mo siyang iduyan sa
harana;
Ng mga imaheng rosas na iyong inaalay?
Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham ng lalaking nasa imahinasyon;
Ng mga mensaheng aawitin sa iyo sa durungawan;
Ng mga imaheng gumamela na kanyang sinabit sa
iyong tenga?
Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham ng iyong diwa;
Ng mga mensaheng masidhing kagustuhang mamili;
Ng mga imaheng gusto mong mag-isang dibdib?
Magsusulat ka pa ba?
Kung ang liham ay dapat may tema;
Kung ang mga mensahe ay nakakulong sa iisang
kasarian;
Kung ang mga imahe ay nakagapos sa payak na
paraiso lamang?
Ngunit-
Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham na walang gusto magbasa;
Ng mga mensaheng walang sapat na tatak;
Ng mga imaheng kailangan piliin tulad ng
palikuran?
*Para sa mga kaibigan kong gusto ay dalawa.

