Poem: Nagsusulat ka pa ba?

Nagsusulat ka pa ba? Rogue Mercado                            Nagsusulat ka pa ba? Ng mga liham na ayaw mong ipadal...







Nagsusulat ka pa ba?

Rogue Mercado
                          
Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham na ayaw mong ipadala;
Ng mga mensaheng ayaw mong ipabatid;
Ng mga imaheng ayaw mong ipamasid?

Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham tungkol sa babaeng katabi;
Ng mga mensaheng nasa likod ng kanyang kwaderno;
Ng mga imahe niyang iginuguhit mo bago ka matulog?

Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham tungkol sa lalaking kaharap;
Ng mga mensaheng nasa likod ng kanyang upuan;
Ng mga imaheng iyong nililigawan bago kumain?

Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham ng babaeng nasa panaginip;
Ng mga mensaheng gusto mo siyang iduyan sa harana;
Ng mga imaheng rosas na iyong inaalay?

Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham ng lalaking nasa imahinasyon;
Ng mga mensaheng aawitin sa iyo sa durungawan;
Ng mga imaheng gumamela na kanyang sinabit sa iyong tenga?

Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham ng iyong diwa;
Ng mga mensaheng masidhing kagustuhang mamili;
Ng mga imaheng gusto mong mag-isang dibdib?

Magsusulat ka pa ba?
Kung ang liham ay dapat may tema;
Kung ang mga mensahe ay nakakulong sa iisang kasarian;
Kung ang mga imahe ay nakagapos sa payak na paraiso lamang?

Ngunit-

Nagsusulat ka pa ba?
Ng mga liham na walang gusto magbasa;
Ng mga mensaheng walang sapat na tatak;
Ng mga imaheng kailangan piliin tulad ng palikuran?


*Para sa mga kaibigan kong gusto ay dalawa.

You Might Also Like

0 Violent Reactions!

Say anything you want! Rogue Mercado doesnt bite! :D

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Flickr Images